Pahayag at Apela sa Publiko ni Emmanuel Asuncion
PAHAYAG AT APELA SA PUBLIKO NI
Emmanuel Asuncion
Kagawad ng Konseho at Tagapagsalita
Solidarity of Cavite Workers
Ika-30 ng Nobyembre 2008
Sa okasyon ng paggunita sa Dakilang Araw ni Gat Andres Bonifacio, dakilang lider-manggagawa at Ama ng Rebolusyong 1896
Mula sa humahabang listahan at malalalang kaso ng mga pampulitikang pamamaslang, pagdukot at pagkawala o enforced disappearances ng mga aktibista at mga progresibo’t makabayang mga lider, ngayon naman ay pinatitindi ng Malakanyang sa pamamagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Department of Justice ang paglikha at pagsasampa ng mga gawa-gawang kasong kriminal laban sa mamamayang nagnanais at aktibong kumikilos para sa pagpapatalsik sa mandaraya, sinungaling, korap, kontra-mahirap, inutil, at kapit-tuko sa poder ng kapangyarihan na rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo.
Kabilang dito ang pagsasampa ng kasong multiple murder at multiple fustrated murder laban sa pitumpu’t dalawang (72) indibidwal sa Regional Trial Court (RTC), Branch 40, Calapan City, Oriental Mindoro, sa sala ni Judge Tomas Leynes kaugnay ng pang-a-ambush ng mga diumano’y kasapi ng New People’s Army (NPA) sa mga kagawad ng PNP Regional Mobile Group (RMG) 3rd Company noong Marso 3, 2006
AKO PO SI EMMANUEL ASUNCION, 38 taong gulang, residente ng Rosario, Cavite ay kasama sa malisyosong kinasuhan ng multiple murder at multiple frustrated murder at sa kasalukuyan ay may nakahaing mandamyento de aresto. Kapag ako’y madadakip ng anumang yunit ng PNP Calabarzon, at papalaring hindi nila paslangin, mapapasama ako sa anim (6) nang naunang dinukot at ngayon ay nakapiit sa Provincial Jail sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Mariin kong kinokondena ang pagsasampa ng PNP ng kasong kriminal laban sa akin at sa iba pang kapwa ko aktibista lalo na ang kawalan ng due process nang ako ay sampahan ng kaso at ipag-utos na dakpin ng RTC Branch 40 sa Calapan City.
Walang preliminary investigation na isinagawa ang piskalya sa kaso laban sa amin. Hindi kami binigyan ng notice of complaint o pinadalhan ng subpoena para makapagsumite ng aming mga kontra-salaysay nang sa ganoon ay mapasubalian ang ibinibintang ng PNP sa amin.
Kung hindi pa dinukot noong nakaraang Oktubre 23, 2008 at ikinulong sa Kampo Vicente Lim bago dinala sa Provincial Jail sa Calapan si Atty. Remigio Saladero, chief legal counsel ng Kilusang Mayo Uno, ay hindi ko malalaman na may kaso at standing warrant of arrest na din pala ako.
Panggigipit at pandarahas sa militanteng kilusang manggagawa sa Cavite ang nasa likod ng malisyosong pagsasampa ng PNP ng kasong kriminal laban sa akin. Hindi nila ako nagawang paslangin, gaya nang ginawa nilang pagpaslang sa aking mga kasamahan sa kilusang manggagawa sa Cavite na sina Gerardo Cristobal at Buth Servida, kaya sa pamamagitan ng huwad na prosesong ligal ay nais naman nila akong patahimikin at bulukin sa piitan.
Wala akong kinalaman sa ginawang pananambang ng diumano’y NPA sa mga kagawad ng PNP noong Marso 3, 2006 sa Puerto Galera, Mindoro Oriental. Hindi ako NPA, at kailanman ay hindi naging NPA. Kailanman sa tanang buhay ko ay hindi pa nakakatungtong ang aking mga paa sa alinmang bahagi ng lupa sa isla ng Mindoro.
Mula nang ideklara ni Gng. Arroyo ang Presidential Proclamation No. 1017 noong ika-26 ng Pebrero 2006 at hanggang alisin ito noong Marso 2006 ay halos laman ako ng mga rali at demonstrasyon sa araw-araw sa ibat-ibang bayan dito sa ating lalawigan ng Kabite hanggang sa Maynila.
Sa katunayan, noong marso 3, 2006, ang petsang sinasabi ng PNP na kasama ako sa pananambang, ako ay nagsasalitasa isang rali sa Dasmarinas, Cavite na nanawagan ng pagbabasura sa PP 1017, paglaban sa Calibrated Preemptive Response (CPR), at pagpapatalsik kay Ginang Arroyo.
Pawang kasinungalingan ang mga salaysay nina Police Inspector Wilson A. Gani, PO1 Joseph E. Panes, at ng bayarang testigo ng PNP na si Vincent Silva na walang pakundangang nagdawit sa aking pangalan sa mga kasong kriminal na ibinibintang sa akin.
Mariin kong kinukondena ang rehimeng Arroyo sa napaka-imbing pakana nitong gawing kriminal ang mga lehitimong kasapi at lider ng mga organisayon ng mamamayan. Ang pinakahuling pang-aatakeng ito ng gobyerno na naglalayong maramihang ikulong kaming mga militanteng lider at ituring na kahanay ng rebeldeng NPA ay nagpapakita ng kabulukan ng kasalukuyang sistemang pangkatarungan at kawalan nito ng paggalang sa karapatang pantao.
Habang lumalapit ang pagtatapos ng panunungkulan ng gobyernong Arroyo sa 2010, ibayong lumalaki ang panganib at banta sa karapatang pantao at sa kalayaang sibil ng mga mamamayan. Gaya nang nakaraang diktadurang Marcos, para makapanatili ang gobyernong Arroyo sa kapangyarihan ay pwersahan nitong ipinatutupad ang lantarang panunupil sa pamamagitan ng libingan o kulungan para sa lahat ng naglalayong alisin siya sa poder.
Nananawagan at dumudulog po ako sa lahat ng mga mamamayang Kabitenyo na kondenahin at labanan ang patuloy na paninikil sa mga karapatan at kalayaang sibil ng mga mamamayan. Sa ngayon, kaming mga nagsasalita at tumutuglisa sa buktot na pamamahala ng gobyernong Arroyo ang inaatake ang mga karapatan, bukas, sino pa ang magsasalita at tutuligsa kung lahat na tayo ay may busal ang bibig at may piring ang mga mata?
Sama-sama nating ipaglaban ang katotohanan at labanan ang pagpapairal ng huwad na sistemang pangkatarungang sa ating lipunan.
Nananawagan at dumudulog po ako sa inyo na gawin ang mga sumusunod:
1. Lumagda sa mga petisyon na humihiling na ibasura ang mga kasong multiple murder at frustrated murder na isinampa laban sa akin at sa iba pang mga lider at kasapi ng lehitimong samahan ng mamamayan at pagpapalaya kina Atty. Remigio Saladero, Nestor San Jose, Crispin Zapanta, Romeo Galit, Arnaldo Seminiano, at Emmanuel Dioneda;
2. Maglabas ng mga pahayag sa midya upang ipaabot sa gobyernong Arroyo ang inyong pagtutol sa patuloy na paglabag nito sa mga karapatang pantao at kalayaang sibil ng mamamayan;
3. Lumahok sa mga pagtitipon at pagkilos na nananawagan sa gobyernong Arroyo na itigil ang pampulitikang paninikil (political persecution) sa mga aktibista at lider ng mga samahan ng mamamayan;
4. Mag-ambag ng mga suportang materyal at panustos para sa pamilya ng anim na bilanggong politikal na ngayon ay nakapiit sa Provincial Jail ng Calapan, Mindoro Oriental, at para sa iba pang bilanggong politikal sa rehiyon ng Timog Katagalugan;
5. At, tumulong sa pagbibigay ng libreng abogado na handang magtatanggol sa karapatan naming mga kinakasuhan.
LABANAN ANG HUWAD NA SISTEMANG PANGKATARUNGAN !
IPAWALANG-BISA ANG MGA KASONG KRIMINAL!
Kopya ng Petisyon para kay Emmanuel "Manny Asuncion" sa komunidad
In : Apela