Dumaraan ang buong daigdig sa matinding krisis pang-ekonomya na siya nang pinakamalala sa nakaraang 80 taon. Ayon sa mga eksperto, ang krisis ay inaasahang hahantong sa isang depresyon. Ibig sabihin, titigil at tuluyang babagsak ang ekonomya ng mga kapitalistang bansa. Sa globalisadong integrasyon ng ekonomya sa daigdig, mananalasa ang krisis hanggang sa maliliit at mahihinang ekonomya na nakaasa sa kalakalan at negosyo ng mga malalaking kapitalistang bansa.

    Ang kasalukuyang krisis ay nagsimula nang malawakang pumalya ang pautang sa pabahay ng mga bangko at pampinansyang institusyon sa Estados Unidos (U.S.) bunga ng maramihang pagpapautang ng mga ito nang walang sapat na katiyakan sa pagbabayad. Ang krisis sa pagpapautang ay nagkaroon ng pandaigdigang katangian nang maapektuhan nito ang mga bangko at institusyong pampinansya sa Europa at iba pang bansa na may sosyo at pautang din sa mga institusyong pampinansya sa US. Higit pang lumawak ang saklaw ng krisis nang maapektuhan na rin ang iba pang larangan ng ekonomya tulad ng serbisyo at manupaktura, at nagging matumal ang negosyo sa buong mundo kabilang na ang Asya.

    Sa Pilipinas, pitong lokal na bangko ang agad na direktang naapektuhan nang gumuho ang Lehman Brothers noong Setyembre. Umaabot sa $386 milyon (P17.37 bilyon sa palitang $1:P45) ang ipinuhunan dito ng Banco de Oro ($134 milyon), Development Bank of the Philippines ($90 milyon), Metropolitan Bank and Trust Co. ($17 milyon), Standard Chartered Bank-Manila ($26 milyon), Bank of Commerce ($15 milyon) at United Coconut Planters Bank ($10 milyon). Tumampok din ang pagbebenta ng Philamlife bunga ng malaking pagkalugi ng American Insurance Group (AIG) na siyang inang kompanya nito.

    Ang pagbagsak ng ekonomiya ng mga kapitalistang bansa ay papatinding hahagupit hindi lamang sa mamamayan ng sariling bansa kundi laluna sa mamamayan ng mga maliliit at mas mahihinang ekonomyang nakabatay sa kanila.

    Tinayang mayroon nang 50,000 empleyado ng CitiGroup sa buong daigdig ang nawalan na ng trabaho simula nang tumama ang krisis.

    Sa Pilipinas, pangunahing maapektuhan ang manupaktura at eksport laluna sa sektor ng kasuotan at elektroniks, na iniluluwas sa mga apektadong kapitalistang bansa. Dahil sa krisis, hihina ang pamumuhunan at produksyon at babagsak ang empleyo at konsumo.

    Higit pang lalaki ang hukbo ng walang hanapbuhay habang itutulak nito ang pagpapanatili ng napakababang pasahod, malawakang kontraktwalisasyon ng paggawa, masahol na kondisyon sa paggawa at magpapatindi ng kawalan ng katiyakan sa trabaho at karapatang mag-organisa. Babala na nito ang pahayag ni Henry Schumacher ng Joint Foreign Chambers of the Philippines at sinang-ayunan ni Leslie Stokes ng British Chamber of Commerce na “para maisalba ang mga dayuhang negosyo bunga ng pandaigdigang krisis ay ang pagluluwag sa Batas Paggawa at isa na dito ang kaugnay ng pagpapahaba ng oras sa trabaho nang walang kaukulang overtime pay” (Philippine Daily Inquirer, Nobyembre 13, 2008).

    Magdudulot ito ng ibayong kahirapan at kagutuman sa mamamayang Pilipino. Nakapangingilabot na isiping di pa man tumatama ang buong hagupit ng krisis, ikalima na ang Pilipinas sa mga bansang malawak ang kagutuman. Ayon sa World Food Survey ng Gallop International-Voice of the People, 40% ng Pilipino ay walang makain o kulang sa pagkain.

    Ang krisis ay nagsimula at pinalala ng monopolyo kapitalistang pagkagahaman sa tubo. Nang tumama ang krisis dulot ng malawakan at alanganing pagpapautang sa pabahay, tinangka nitong bumawi sa pamamagitan ng ispekulasyon sa langis, trigo, bigas at iba pang kalakal noong unang mga buwan ng 2008. Ang kahirapang dulot ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin kaakibat nito ay higit na nagpatumal ng konsumo at negosyo, at sa kalaunan ay lalo lamang nagpalala ng krisis.

    Matapos bumulusok ang stock market sa malalaking bansa tulad US, Japan, France, England, Hongkong at Rusya at opisyal na magdeklara ng resesyon ang US nitong Oktubre, nagdeklara na rin ng resesyon ang mga mayor na kapitalistang bansa, tulad ng Germany, Italy, Sweden, Ireland, Japan, Hongkong, Korea at Singapore nitong Nobyembre.

    Sadyang tatama ang krisis at hahagupitin nito ang mamamayan ng daigdig hangga’t ang pangunahing nagtutulak sa pamumuhunan at produksyon ay ang pagkakamal ng dambuhalang tubo sa halip na idirekta sa mga negosyong magpapaunlad ng kalagayan ng mamamayan; hangga’t ang labis na kapital ay ilalagak kung saan tinatayang kikita ito ng malaki o kaya naman ay ipapasok sa ispekulatibong kalakalan tulad ng naganap sa industriya ng langis, trigo at bigas.

    Sa kabila ng deklarasyon ng rehimeng Gloria Macapagal Arroyo na malusog ang ekonomya ng bansa, hindi makakaligtas ang Pilipinas sa krisis na ito dahil nakaasa lamang ang ekonomya nito sa takbo ng negosyo at kalakalan sa mga industriyalisado at malalaking bansa. Wala itong mga batayang industriyang magsisilbing gulugod ng pambansang ekonomya. Ang anumang kapital na natitipon sa loob ng bansa ay inilalagak sa ispekulatibong pamumuhunan sa labas ng bansa at hindi sa batayang pangangailangan ng sariling mamamayan. Ang gobyerno ay hindi namumuhunan sa mga esensyal at produktibong negosyo at produksyon na magpapaunlad sa ekonomya ng bansa at kalagayan ng mamamayang Pilipino. At sa halip na panghawakan ng gobyerno ang pamumuhunan at pagpapatakbo ng batayang serbisyo ay hinahayaan ito sa kamay ng pribadong sektor na ang pangunahing hinahabol ay tubo sa ilalim ng prinsipyo ng pribatisasyon.

    Hindi matutugunan ng rehimeng Gloria Macapagal Arroyo ang nakaambang krisis o ang pagpapaunlad ng pambansang ekonomya. Batbat ng korapsyon at katiwalian, higit pang pinag-uukulan ng pansin ng rehimen ang Cha-Cha o charter change at pandarahas at panunupil sa mga mamamayang naghahangad ng pagbabago at pag-unlad.

    Hindi pabor sa manggagawa ang rehimeng Arroyo. Wala rin itong pakialam sa naghihirap na kalagayan ng mamamayang Pilipino. Huwag na natin hayaan pang makapanatili sa poder ang pahirap sa mamamayang rehimen na ito.

    Mag-organisa tayo para ipagtanggol ang ating karapatan at hanapbuhay. Nagkakaisa tayong kumilos kasama ng iba’t ibang sektor ng lipunan para sa pagbabago. Sama-sama tayong makibaka para patalsikin ang pekeng pangulo.

MAGKAISA AT LABANAN ANG TUMITINDING KRISIS AT KAHIRAPAN!
PATALSIKIN SI GLORIA!

-Solidarity of Cavite Workers