Tatlong daang libo o 300,000 na manggagawa – ito ang tinataya ni DoLE Secretary Marianito Roque na mawawalan ng hanapbuhay mula lamang Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan! Tinatayang aabot ito ng 11 hanggang 12 milyon sa pagtatapos ng taon. Palulubhain pa ito ng 900,000 na mga bagong graduate sa darating na Abril at karagdagang 500,000 OFW.

    Sa Cavite pa lamang, tinatayang mahigit nang 25,000 manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay simula noong Setyembre 2008 habang daan libong manggagawa ang dahan-dahang tinatanggalan ng hanapbuhay sa pamamagitan ng reduced work week at forced vacation o temporary shutdown. Nagpapatuloy ang malawakang pagkawala ng trabaho sa pamamagitan ng retrenchment, performance evaluation at pang-eengganyo ng early retirement. Kabilang sa mga pabrikang nagbawas ng mga manggagawa ay ang Dyna Image sa loob ng Cavite Economic Zone o CEPZ; at nagsara ay ang Intel Philippines sa loob ng Gateway Business Park.
    
    Walang katulad sa kasaysayan ang humahagupit na krisis ngayon sa buong daigdig. Sa kabila nito, hindi maramdaman ang epekto ng ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo na mga programa at pakete para salagin ang tama ng krisis sa bansa.

    Upang ipagmalaki na may proyekto ang DoLE  at tulong pinansyal sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho ay ipapatupad nito ang Workers Income Augmentation Program o WINAP na maglalaan ng halagang P5,000 upang umano ay makatugon sa kawalan ng trabaho. Ang ganitong halaga ay hindi suportang pinansyal kundi isang abuloy sa buhay. Saan aabot at ano ang matutugunan ng halagang P5,000 sa ganitong kalagayan? Ni hindi nga ito kasukat man lamang ng isang buwang sahod! At sino o ilan na nga bang mga manggagawang natanggal sa mga pabrikang nagsara ang nabiyayaan nito?

    Ang tugon ng gobyerno ni Gloria Macapagal Arroyo sa malalang krisis at tanggalan ay ang hungkag na programa ng gobyerno na economic resiliency package o stimulus fund na nagkakahalaga ng P330 Bilyon na kukunin mula sa iba’t ibang ahensya at institusyong pinangangasiwaan ng pamahalaan. Layunin diumano nito na makatulong sa mga sektor na tinamaan ng krisis at pagtitiyak ng mababa at istableng presyo ng mga pangunahing bilihin.

    Bahagi ng pagkukunan ng pera para dito ang P12.5B mula sa GSIS at P12.5B SSS reserve fund, na inaprubahan ni Chairman Romulo Neri, kilalang kaalyado ni Gloria Arroyo na kapwa sangkot sa ma-anomalyang ZTE Deal. Gayundin diumano, inutusan na ni Gng. Arroyo ang SSS upang patawarin o alisin na ang mga penalties sa mga utang sa SSS habang nananatili itong tahimik sa katotohanang walang maipambabayad ang mga manggagawa sa utang kung mawawalan o nawalan na sila ng hanapbuhay.

    Dapat na mahigpit nating tutulan ang paggamit ng gobyernong Arroyo sa pondo ng SSS. Batbat ng korupsyon at katiwaliaan, tinatayang gagamitin lamang itong pondo para sa darating na eleksyon. Walang duda na hindi nito mabibiyayaan ang mga manggagawa. Kapag nahawakan na ito ng korap na pamahalaan, wala nang katiyakang maibabalik ito at maglalagay sa panganib sa SSS mismo. Ang pondo ng SSS ay mula sa pawis at dugo ng mga manggagawa na dapat ay mukukuha nila sa oras ng pangangailangan, kawalan ng trabaho at aasahan bilang pension sa kanilang pagtanda.

    Dapat din tayong maging alerto. Nagiging mabisang palusot ng kapitalista ang pandaigdigang krisis upang bigyang katwiran ang maramihang tanggalan, pambabarat sa sahod, pagsasamantala sa mga manggagawa, pina-igting na eskemang kotraktwalisasyon, labor flexibilization at 12 oras na trabahong walang sahod. Sinasangkalan din ng kapitalista ang krisis upang iwasan ang pagharap at baratin ang mga kahilingan ng mga manggagawa sa CBA gayundin upang tanggalin ang mga unyonista sa pabrika. Saksi dito ang pambabarat ng pangasiwaan at bantang pagsasara ng pabrika ng Golden Will Fashion Phils. at Pasig Industries Inc. na nasa First Cavite Industrial Estate sa Brg. Langkaan, Dasmariñas, Cavite sa kabila ng tuloy-tuloy na order at papalaking tubo ng kapitalista.

    Ang kaliwa’t kanang tanggalan sa trabaho, papatinding krisis pang- ekonomiya at korapsyon sa gobyerno ay dapat nating harapin. At mahaharap lamang natin ito sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagkilos kasama ang malawak na mamamayan. Higit kailanpaman, ngayon ang panahon upang palakasin ang hanay sa pamamagitan ng pagkakabigkis-bigkis sa organisasyon na mga manggagawa. Sama-sama, magkakaroon tayo ng lakas upang harapin ang pamahalaan upang iharap ang ating mga kahilingan. Organisado, mahaharap natin ang gobyerno upang mapasaatin ang biyaya ng kanyang ipinagmamalaking stimulus package.

    Kailangan nating manindigan at lumaban. Organisahin natin ang ating hanay at sama-sama nating igiit ang karapatan sa hanap-buhay at maayos na kabuhayan. Sa ganitong kalagayan, wala tayong maasahan sa gobyernong puno ng katiwalian ang panunungkulan. Makiisa at sumama sa mga panawagan ng pagkilos upang labanan at harapin ang ating lumalalang kalagayan.

Sa Gitna ng Krisis, Katiyakan sa Trabaho at hindi Tanggalan!

Ipagtanggol ang Karapatan sa Hanapbuhay!

P25 Bilyon Pondo ng SSS at GSIS, ilaan sa Serbisyo at Benepisyo,
Hindi sa Korap at Perwisyong Gobyerno ni Gloria Macapagal Arroyo!

Solidarity of Cavite Workers (SCW)
Marso 5, 2009