Buong bangis na ipinalasap ng mga gwardiya ng First Cavite Industrial Estate (FCIE) sa mga manggagawang nagtitipon sa harap nito ang diumano’y INDUSTRIAL PEACE sa economic zone. Ang marahas na pambubuwag sa mapayapang pagtitipon ng mga manggagawa na karamihan ay kababaihan nitong Pebrero 26, 2009 bandang alas 5:00 ng hapon sa harap ng FCIE ay nasaksihan ng manggagawang lumalabas, tsuper, komyuters at mga vendors sa lugar.

 
(Aktwal na pambobomba ng tubig sa payapang pagtitipon ng mga manggagawa)

    Mariing kinukondena ng mga manggagawa ang mala-halimaw na atake ng mga gwardiya ng FCIE. Kasama ang dalawang OIC nito na ang isa ay nakilalang sa pangalang Daniel at kasama din ang nakasibilyan na si Marlon Purificacion alyas Jeproks na taga-Humayao. Gayundin, dapat managot ang Administrasyon ng FCIE bilang responsable sa pagpapahintulot sa di makatwiran at marahas na pambubuwag sa hanay ng mga mangagawa.

    Ang walang konsensiyang paggamit ng FCIE FIRE FIGHT TRUCK at walang humpay na pagbomba ng tubig sa mga manggagawang mapayapang nagtitipon. Kasabay pa ng pagbobomba ng tubig ang walang pakundangang pagwasiwas ng PALAKOL, BAKAL at BATUTA na siyang ginamit ng mga guwardya na nagresulta ng pagkasugat sa mga walang kalaban-labang apat na manggagawa, pagputok ng ulo sa pagkakatama ng palakol sa isa pa at mga gasgas at pasa sa marami pang iba bunga ng malakas na tama ng tubig. Tatlo sa mga manggagawa ang kaagad na isinugod sa ospital bunga ng mga tinamong sugat.

    Pagpapatunay lamang ito na  ang economic zone o Enklabo sa Cavite ay idinisenyo upang proteksyunan ang mga kapitalista at hindi ang mga manggagawang tulad natin. Lalong lumalala ang dinaranas ng mga manggagawaga sa loob at labas ng enklabo, kawalan ng katiyakan hanapbuhay, kontraktwalisasyon, pleksibilisasyon, tumitinding panunupil sa karapatan, sa pinakamasahol ay ang pagpapatupad ng NO UNION NO STRIKE POLICY (NUNS) ng lokal na Gobyerno na nagkukubli sa umano ay INDUSTRIAL PEACE-- na sa esensya ay tuwirang paglabag sa lehitimong karapatan ng mga manggagawang ma-organisa at magbuo ng tunay na unyon na magsisilbi sa interes ng mga manggagawa, gayundin sa sama-samang pakikipagtawaran sa kapitalista.
   

(Aktwal na pagwawasiwas ng palakol ng gwardiya sa isang lider manggagawa)

    Karapatan ng mga manggagawa ang magpahayag, Lalo`t higit kung ang nasasangkot ay ang kawalan ng kanilang hanapbuhay. Inilunsad ang pagtitipon na ito bilang protesta at pagtutol sa nagaganap na pagtatanggal, iligal na pagpapabakasyon at bantang sarahan. Ginagamit ang krisis upang gawing makatwiran ang pagtatanggal sa regular at kontraktwal na mga manggagawa, gayundin upang panatilihin ang maliit na sahod at patuloy na pagyurak sa karapatan ng mga manggagawa, kahalintulad ng ginagawa ng kapitalista ng Golden Will na pagkakait ng makatwirang CBA habang tuloy-tuloy naman ang pagtatanggal at panggigipit sa mga manggagawa.

    Ang ganitong kalagayan ay pagpapakita lamang na wala tayong ibang maaasahan  kundi ang ating sarili, mga kapwa manggagawa at kapwa nating api at pinagsasamantalahan. Dahil tumitindi ang krisis, lalung naghihirap tayong mangggawa at ating pamilya, mas nararapat na ipaglaban natin ang ating karapatan sa hanapbuhay. Hindi tamang tayo ang  pinagpapasan ng problemang wala tayong kinalaman  habang ang mga kapitalista ay nagsasalba upang panatilihin ang mataas na tinutubo at nagpapasasa sa yamang tayo ang may likha. Ngayon na ang tamang panahon ng pagkakaisa. Sama-sama nating ipahayag at ipaglaban,  ipagtanggol ang hanapbuhay. Walang mawawala kung tayo ay lalaban kundi ang tanikala ng mahabang panahong pagka-alipin.

       
KONDENAHIN ANG KARAHASAN SA MGA MANGGAGAWA!
IPAGTANGGOL ANG KARAPAN SA HANAPBUHAY !
TRABAHO, SAHOD AT KARAPATAN, IPAGLABAN !
MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT !
NO UNION NO STRIKE POLICY, TUTULAN LABANAN, BIGUIN !

Solidarity of Cavite Workers ( SCW )
Marso 4, 2009